-- Advertisements --

Inalmahan ni Philippine Coast Guard (PCG) Commodore Jay Tarriela si Rep. Paolo “Pulong” Duterte dahil kinuwestiyon nito ang katapatan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. tungkol sa mga kasunduan ng Pilipinas sa Amerika.

Ayon kay Tarriela, mali ang pagpapakalat ni Duterte ng takot at maling akusasyon tungkol sa mga U.S. defense partnerships ng Pilipinas.

Iginiit niya na ang defense partnership na ito ay hindi isang sugal sa buhay ng mga Pilipino, kundi isang matalinong paraan upang protektahan ang soberanya ng bansa laban sa pangigipit ng China sa West Philippine Sea.

Pinuna rin ni Tarriela ang diumano’y pagkukunwari ni Duterte sa isyu ng korapsyon. Aniya, hindi lang ngayon nagsimula ang katiwalian, kundi noong Pharmally scandal pa noong pandemya, kung saan bilyun-bilyong pisong kontrata ang ibinigay sa isang kumpanyang kulang sa kapital at nag-supply pa ng mga depektibong PPE.

Idinagdag pa ni Tarriela na hindi dapat bigyang-isyu ang joint military exercises at mga kasunduan tulad ng EDCA, dahil ito ay mga hakbang upang palakasin ang kakayahan ng bansa laban sa anumang banta.

Iginiit ng opisyal na si Gen. Romeo Brawner ay tapat sa Republika at sa Saligang Batas—hindi sa mga banyagang interes.