Tinatayang ganap na matatanggal mula sa bill ng kuryente ang system loss charge sa taong 2027 bago ang sunod na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon kay Energy Secretary Sharon Garin.
Ang system loss charge ay ang bayarin sa kuryente para sa kuryenteng nawawala habang ito ay dumaraan at inihahatid mula sa mga power plant papunta sa mga tahanan. Ito ay binubuo ng dalawang pangunahing dahilan: ang technical losses (init sa mga wire at kagamitan) at non-technical losses (nakikikabit o magnanakaw ng kuryente at sirang metro)
Aminado naman ang kalihim na hindi ito madali dahil bagamat maaari silang mag-isyu ng mga polisiya, posible aniyang matagalan ang implementasyon nito sa panig ng electric cooperatives.
Kaugnay nito, sinabi ni Sec. Garin na agad nilang sisimulan ang pagtalakay hingil dito kasama ang Energy Regulatory Commission (ERC) at National Electrification Administration (NEA).
Kung saan kanilang susuriin ang mahigit 100 electric cooperatives at private distribution utilities para matukoy ang mga kailangang pamumuhunan upang mabawasan ang recoverable system losses o mga nawawalang kuryente sa sistema na pinapabayaran sa konsyumer.
Samantala, sa oras na maimplementa ito, tinataya ng Energy Department na bababa ang bill sa kuryente ng lima hanggang sampung porsyento, depende sa distribution utility.
















