Bilang suporta ng Swiss government sa Pilipinas, nakahanda itong magbigay ng P27 million para sa mga rehiyon na sinalanta ng mga nagdaang bagyo at naging dahilan upang mawalan ng tirahan ang libo-libo nating mga kababayan.
Ang donasyong ito ay bibigay sa Philippine Red Cross at International Federation of Red Cross, kung saan binubuo ito ng tulong para sa kalusugan, malinis na tubig at pagkain, hygiene, bahay at humanitarian relief items.
Layunin ng bansa na tumulong sa agarang pagbibigay ng mga kakailanganin para muling makatayo ang mga pamilya na sinalanta ng mga nagdaang bagyo.
Sinabi ni Swiss Ambassador Alain Gaschen na malaking dagok ang dala ng kasalukuyang taon sa buong mundo bunsod na rin ng nararanasang coronavirus pandemic.
Milyon-milyong tao sa bawat sulok ng mga bansa ang nawalan ng trabaho at hanapbuhay kung kaya’t mas kailangan umano na paigtingin pa ang pagtutulungan ng mga bansa sa mga ganitong krisis.