Kasalukuyan pang pinag-aaralan ng mga otoridad ang pagdedeklara ng suspensyon ng police operation laban sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front ngayong Holiday Season.
Ayon kay Philippine National Police Public Information Office chief PCol. Redrico Maranan, hanggang ngayon ay hinintay pa aniya ng pamunuan ng pambansang pulisya ang magiging pasya ng pamahalaan ukol dito.
Pinag-uusapan pa kasi aniya ng mga opisyal ng mga bumubuo sa security cluster ng pamahalaan ang pagdedeklara nito.
Ngunit nilinaw niya na buo ang suporta, at handang agad na tumalima ang buong hanay ng pulisya sa oras na ipag-utos na ito ng Palasyo ng Malakanyang.
Samantala, sa ngayon ay nagpapatuloy naman isinasagawang deffensive posture ng kapulisan laban sa mga miyembro ng nasabing teroristang grupo sakaling biglaang sumalakay ang mga ito.
Matatandaan na una rito ay inanunsyo na rin ni Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na itataas ng pambansang pulisya sa highest alert status ang kanilang buong hanay bilang paghahanda laban sa mga posibleng pag-atake ng CPP-NPA ngayon Kapaskuhan lalo na’t makakasabay nito ang kanilang pagdaraos ng anibersaryo sa darating na Disyembre 26.