-- Advertisements --
image 108

Todo paliwanag si Department of Justice (DoJ) Sec. Jesus Crispin Remulla sa pahayag nitong hindi puwedeng gawing state witness ang suspendidong si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag kaugnay ng pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.

Ayon kay Remulla, malaki umanong bagay ang pagiging state witness at dapat ay least guilty ang isang indibidwal.

Ito raw ang isinasaalang-alang ngayon ng Department of Justice.

Nagpapatuloy din umano ang imbestigasyon sa pagpatay kay Lapid at hindi raw fit si Bantag sa main criteria ng pagiging least guilty.

Una rito, sinabi ni Remulla na mayroong mga bagong rebelasyon ang susuporta sa findings na nagli-link kay Bantag sa pagkamatay ni Lapid.

Ang pahayag ni Remulla ay kasunod na rin ng naging pahayag ng kapatid ni Lapid na si Roy Mabasa na gawing state witness si Bantag kapag nais o desidido itong sabihin ang lahat ng kanyang nalalaman.

Iginiit naman ni Remulla kay Bantag ang kaligtasan nito at ang kanyang protected rights sa sandaling susuko na ito sa mga otoridad.

Nakatakda na rin daw mag-isyu ang DoJ ng subpoena sa dating BuCor chief at required itong sumagot sa alegasyong ipinupukol laban sa kanya.

Naniniwala rin si Remulla na nasa bansa pa si Bantag.

Kung maalala, noong Lunes nang maghain ng dalawang magkahiwalay na murder complaints ang National Bureau of Investigation at Philippine National Police (PNP) sa Department of Justice laban kay Bantag at iba pang isinasangkot sa krimen dahil na rin sa pagkamatay ni Lapid maging ang sinasabing middleman na si Crisanto/Jun Villamor.