Muling nanawagan sa aktor na si Niño Muhlach ang biktima ng isang aksidente na si Nicolas Villanueva, matapos umano nitong hindi pa natatanggap ang ipinangakong tulong pinansyal at pagpapalit ng kaniyang motorsiklo. Sa isang Facebook post, sinabi ni Villanueva na tatlong linggo na ang lumipas mula nang mangyari ang insidente ngunit wala pa rin umanong konkretong aksyon kaugnay sa mga ipinangakong tulong.
Ayon kay Villanueva, hindi pa siya nakakabalik sa trabaho dahil sa mga naging epekto ng aksidente. Dagdag pa niya, ginagamit din niya ang kaniyang motorsiklo para sa kaniyang pang-araw-araw na pangangailangan, kaya malaking problema umano para sa kaniya ang hindi pa ito napapalitan.
Sa kaniyang post, direktang nanawagan si Villanueva kay Muhlach at ipinahayag ang kaniyang pagkadismaya sa umano’y pagkaantala ng tulong. Aniya, umaasa siyang tutuparin ng aktor ang mga pangakong binitiwan nito nang siya ay nasa ospital at nang makausap umano siya matapos ang aksidente.
“Pangatlong linggo na po. Parang binabalewala na po ninyo yung nangyari sa akin,” saad ni Villanueva sa kaniyang Facebook post. Iginiit din niya na hindi pa rin siya nakakapagtrabaho dahil sa nangyari, habang hinihintay pa rin umano ang ipinangakong pagpapalit ng kaniyang motorsiklo.
Sa isa pa niyang pahayag, sinabi ni Villanueva na umaasa siyang magiging totoo ang mga ipinangako sa kaniya. Ayon sa biktima, dumalaw umano si Muhlach sa ospital at nangako ng tulong, kabilang na ang pagpapalit ng kaniyang motorsiklo ng bago, ngunit hanggang sa kaniyang panawagan ay wala pa rin umano itong natatanggap.













