-- Advertisements --

Isang rider ang nasugatan matapos araruhin ng SUV na minamaneho ng aktor na si Niño Muhlach ang ilang establisyimento sa Marcos Highway, Barangay Mambugan, Antipolo City nitong Linggo ng hapon.

Batay sa paunang ulat, nawalan umano ng kontrol si Muhlach sa kaniyang SUV matapos makatulog o makaidlip habang nagmamaneho.

Lumihis umano sa linya ang sasakyan, sumalpok sa gutter at tuluyang bumangga sa mga establisyimento sa gilid ng kalsada.

Kabilang sa tinamaan ang isang karinderya, barber shop at sari-sari store.

Sugatan ang isang rider na noon ay kumakain sa karinderya. Dinala siya sa ospital matapos makaranas ng pananakit sa tagiliran, likod at hita.

Samantala, napailalim sa SUV ang kaniyang motorsiklo at napinsala rin ang ilang establisyimento dahil sa lakas ng pagkakabangga.

Liban dito sinagot umano ni Muhlach ang gastusin sa pagpapagamot ng rider at nakipag-ayos din sa mga may-ari ng mga establisyimentong napinsala.

“I take full personal and legal responsibility for what happened. My priority right now is ensuring that the affected individual receives all necessary care, support, and medical assistance, and that all damages caused to the properties and establishments are fully compensated and rectified.

“I am deeply sorry to the victim, their family, and everyone affected by my negligence. I am fully cooperating with authorities as this matter is being resolved,” pahayag ni Niño.

Patuloy naman ang pag-iimbestiga sa insidente upang matukoy ang buong pangyayari.