-- Advertisements --
bantag 1

Pinatawan ng panibagong 90 araw na suspensiyon si suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag dahil sa pagpayag nito sa isang news channel na makapanayam ang inmate na si retired Army general Jovito Palparan sa New Bilibid Prison (NBP).

Si Palparan ay hinatulang guilty sa kasong kidnapping at serious illegal detention kaugnay sa pagdukot at pagkawala ng 2 estudyante ng University of the Philippines na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan noong 2006.

Ang naturang suspensiyon ay konektado sa inihaing kaso ng BuCor na grave misconduct at neglect in the performance of duties laban kay Bantag dahil sa kabiguang sundin ang procedures kaugnay sa pagpapaunlak ng panayam sa persons deprived of liberty (PDLs), na ipinagbabawal.

Ayon sa Department of Justice (DOJ), inaprubahan ni Bantag ang kahilingan ng SMNI News Channel na makapanayam si Palparan noong Nobyembre 15, 2021 doon sa mismong Minimum Security Compound ng Bilibid.

Sinabi nito na ang panayam ay hindi sumunod sa BuCor Operating Manual at Department Circular No. 015.

Inatasan ng DOJ si Bantag na maghain ng kanyang sagot sa loob ng 10 araw pagkatapos matanggap ang naturang kautusan.

Ayon pa sa DOJ na ang kabiguan sa bahagi ng respondent na mag-sumite ng kanyang sagot sa loob ng itinakdang panahon ay gagamitin bilang waiver at dapat na agad na magsagawa ang kagawaran ng pormal na pagsisiyasat pagkatapos ng notice.

Kung maaalala, sinuspinde si Bantag noong Oktubre 2022 kasunod ng pagkamatay ni Jun Villamor, ang preso na umano’y nagsilbing middleman sa pagpatay kay Percy Lapid.

Kalaunan ay nagsampa ang mga awtoridad ng mga murder complaint laban sa kanya dahil sa pagpatay kina Lapid at Villamor.