CENTRAL MINDANAO-Sumuko ang suspek na namaril patay sa dating TV reporter at Habal-Habal driver sa Cotabato City.

Sumuko ang hindi pa pinangalanan na salarin kay Cotabato City Mayor Frances Cynthia Guiani Sayadi at kay Colonel James Gulmatico ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-BARMM).

Kwento ng suspek na may alitan umano sila ni Pio Orteza na habal-habal driver kaya binaril nya ito at nadamay lamang si Archard Ayao na investigador ng CHR-BARMM.

Natakot umano siya dahil tukoy na siya ng mga otoridad at nakonsensya sa kanyang ginawa.

Handa umano panagutan ng suspek ang kasong isasampa sa kanya dahil sa pagpatay sa mga biktima.

Matatandaan na lulan ang mga biktima sa isang motorsiklo na minamaneho ni Orteza at angkas si Ayao na papauwi na sana sa kanyang tahanan nang pagbabaril ng suspek.

Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng CIDG-BARMM ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong double murder.