-- Advertisements --

Ipinayo ng presidente ng asosasyon ng mga pribadong ospital na dapat na dalhin sa ospital ang mga suspected na kaso ng monkeypox para sa isolation para sa maayos na obserbasyon at malunasan.

Paliwanag ni Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI) president Dr. Jose Rene de Grano na hindi maaaring manatili lamang sa home isolation ang isang suspect monkeypox case dahil posibleng humantong ito sa pagdami ng kaso.

Giit ni Dr. De Grano na mas mabuting sa mga ospital mag-isolate ang isang suspected monkeypox case dahil may marami naman aniyang isolation areas ang mga ospital.

Ito ay upang matiyak kung ito ba ay isang monkeypox virus upang maibigay ang karampatang lunas sa pasyente.

Nakahanda rin ang mga pribadong ospitall kung sakali mang magkaroon ng karagdagang monkeypox cases na ma-detect sa bansa.

Una ng iniulat ng DOH na ang unang kaso ng monkeypox sa bansa ay na-discharge na sa ospital ay sumasailalim sa istriktong isolation at monitoring sa bahay.

Mayroong naitalang 10 close contacts ang naturang pasyente bagamat wala namang nararamdamang sintomas ang mga ito.