-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY — Labis ang pasasalamat ni Jemuel Abapo, ang survivor ng lumubog na fishing boat na Genesis 2 sa Davao Oriental sa milagrong pagkakasagip sa kanila noong Hunyo 22.

Sinabi nito sa Bombo Radyo, ikinokonsidera niya na milagro ang nangyari dahil unang beses itong nangyari sa kanyang buong buhay.

Aniya, mahigit tatlong oras umano ang kanyang paglangoy bago pa ito narescue ng light boat.

Sa kabila aniya ng trahedya ay magpapatuloy pa rin siya sa kanyang hanapbuhay bilang mangingisda.

Habang hindi naman maiwasang malungkot ni Abapo sa anim na nawawalang tripulante na hanggang ngayon ay hindi pa nahanap.

Nabatid na nagpasya ang Philippine Coast Guard (PCG) noong dakong 11:39 ng gabi ng Hunyo 28 na itigil ang search and rescue operations sa mga missing.

Una ng iniulat na nasa tatlong sakay ng bangka ang nasawi habang 14 naman sa mga tripulante ang nasagip.

Maaalala, ayon sa mga nakaligtas, sinalubog ng malalakas na alon ang kanilang sinasakyang bangka dahilan para lumubog ito.