-- Advertisements --

Naniniwala si Buhay party-list Rep. Lito Atienza na tatawid sa bakuran ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang mahigit 200 kongresista na lumagda sa manifesto of support para kay Speaker Alan Peter Cayetano Kamakailan.

Pahayag ito ni Atienza sa panayam ng Bombo Radyo kasunod nang pulong kagabi nina Cayetano at Velasco sa Malacañang kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Atienza, matapos na mamagitan at magsalita si Pangulong Duterte sa girian sa term-sharing agreement ay makukuha na rin ni Velasco ang aniya’y greater majority sa mababang kapulungan.

Ang suportang ito ang inaasahan din ni Atienza para mahalal bilang lider ng Kamara si Velasco.

Sinabi ni Atienza na kailangan pa rin kasing pagbotohan ng mga kongresista balang araw ang pag-upo ni Velasco bilang bagong speaker ng Kamara.

Kamakailan lang ay sinabi ni Cayetano na handa siyang bumaba sa puwesto sa oras na ayaw na sa kanya ng mga kapwa niya kongresista.

Pero magugunita na 202 kongresista ang lumagda sa lumabas na manifesto of support para kay Cayetano.

Binigyan diin ni Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon, isa sa mga nakasama ni Velasco sa pulong kagabi, na hindi pinal ang bilang na ito hangga’t hindi dumadaan sa botohan.

Mahigpit din aniya ang bilin sa kanila kagabi ni Pangulong Duterte na dapat irespeto at sundin ang 15-21 term sharing sa speakership post.