-- Advertisements --

Umaasa ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na makakakuha pa sila ng mas marami pang suporta sa pagbibigay ng transponders sa mga fishing vessels matapos na lumubog noong Hunyo 9 ang F/B Gem-Ver sa Recto Bank sa West Philippine Sea.

Sinabi ni BFAR Director Eduardo Gongona na target nilang makapamahagi ng 5,000 transponders ngayong taon, pero dahil nasa P10,000 ang halaga ng bawat isa nito, hindi raw nila kayang sagutin lahat ng gastusin.

Ayon kay Gongona, bagama’t masaklap ang sinapit ng F/B Gem-Ver, may kaakibat pa rin daw itong “good signal” para ipabatid sa mga decision makers na kailangan ng pamahalaan ang nais na ipamahaging mga transponders.

Nilinaw naman din ng opisyal na nagbibigay lamang ng tulong ang BFAR sa mga small-scale fishermen, sa kadahilanan na sila ang mga hindi kayang bumili ng kanilang sariling transponders.

Nabatid na sa pamamagitan ng transponders ay natutulungan ang BFAR na ma-track ang movement at lokasyon ng mga fishing vessels.