-- Advertisements --
image 340

Tiniyak ng Department of Health (DOH) na ang kasalukuyan at paparating na suplay ng antiretroviral (ARV) drugs na gamot para sa human immunodeficiency virus (HIV) ay sapat para sa lahat ng mga pasyente hanggang Abril 2024.

Ginawa ng ahensiya ang naturang pahayag matapos manawagan ang Network Plus Philippines at 40 member organizations para magbigay ng konkretong solusyon sa umano’y kakaunti at unstable na suplay ng gamot para sa HIV sa bansa.

Una rito, nakatanggap kasi ang grupo ng reports mula sa People Living with HIV community na ang miyembro nito sa iba’t ibang mga rehiyon ay nakakuha ng isa lamang na bote ng antiretroviral drugs o mas kakaunti ng magparefill umano ng kanilang ARV medications sa isang HIV treatment facilities.

Sa panig naman ng DOH, ipinaliwanag nito na ang napaulat na insidente na kaunting stocks ng ARV ay maaaring dahil sa hindi inaasahang pagtaas sa paggamit ng gamot sa naturang community bago pa man ang targeted full-scale rollout ng gamot mula sa kanilang existing regimens.

Ayon pa sa DOH, nakabili na ito ng initial tranche ng 58,000bote ng gamot na nakatakdang dumating sa bansa sa katapusan ng hunyo habang ang second tranche naman na 243,000 bote ay inaasahang dumating sa Hulyo 2023 at ang ikatlong tranche na 292,000 bote ay inaasahang darating sa Setyembre 2023.

Inaasahan na ang naturang mga suplay ay masasaklaw ang lahat ng kasalukuyang mga pasyente.

Sinabi din ng ahensiya na magoorder muli ito ng tinatayang 146,000 bote ng gamot para matiyak na may sapat na suplay ng ARV drugs hanggang sa susunod na taon.

Sa kasalukuyan mayroong kabuuang 115,248 kumpirmadong positibo sa HIV simula ng unang nadetect ang sakit sa bansa noong 1984.