Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na mayroong sapat na suplay ng bigas sa loob ng lean months kung saan mayroong 2 buwang imbentaryo hanggang sa katapusan ng Hunyo ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Agriculture Undersecretary for rice industry development Leocadio Sebastian, aabot sa 1.4 million metric tons (MT) ng inangkat na bigas ang dumating sa bansa mula Enero hnaggang Mayo 11 ng kaslaukuyang taon.
Base din sa monitoring ahensiya, mayroong magandang ani para sa unang semester kayat hindi nakikita ang kakulangan ng bigas.
Ginawa ng DA official ang naturang pagtitiyak kasundo ng naunang babala mula sa Federation of Free Farmers sa posibleng krisis sa bigas sa kasagsagan ng lean months mula Hulyo, Agosto at Setyembre kung saan mababa ang produksiyon.
Mayroon ng local production sa nasabing mga buwan at inaasahang darating sa mga susundo na buwan ang inangkat na bigas upang maging sapat ang suplay.
Base sa monitoring ng DA sa mga palengke sa Metro Manila, ang retail price ng local regular milled-rice ay naglalaro sa P34 hanggang P42 per kilo; local well-milled rice nasa pagitan ng P39 at P47 per kilo; local premium rice, nasa pagitan ng P40 at P49 per kilo; at ang local special rice, pumapalo sa P48 at P60 per kilo.
Samantalang ang imported regular milled rice ay pumapalo sa pagitan ng P37 at P38 per kilo; imported well-milled rice, nasa pagitan ng P40 at P46 per kilo at ang special imported rice, nasa pagitan ng P50 at P58 per kilo.