-- Advertisements --

Wala umanong paggalaw sa presyo ng isda sa mga lugar na nasa National Capital Region (NCR) at mga karatig probinsiya nitong Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna o ang tinatawag na NCR plus.

Ayon kay Department of Agriculture (DA) Sec. William Dar, nasa peak season daw kasi ngayong ang mga pangunahing fishing grounds sa bansa kaya sapat ang suplay at wala ring pagtaas sa presyo ng mga isda.

Sa kabila nito, tiniyak pa rin ni Dar na sapat ang suplay ng pagkain sa buong kapuluan sa gitna pa rin ng pandemic na dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Dar, sa ikalawang linggo ng Abril o mula Abril 8 hanggang Abril 14, ang total volume ng marine fish catch na dinala sa sa Navotas Fish Port Complex ay umabot sa 3,760 metric tons mas mataas ito ng 200 metric tons kumpara noong unang linggo ng Abril.

Sinabi ni Dar na base sa report ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) karamihan sa mga isda na nahuli ay galunggong na mayroong 2,280 metric tons.

Ang iba naman daw ay turay, tulingan, tunsoy, tamban, pusit, matambaka, gulyasan, dalagang bukid at hipon.

Nakalap ang mga ito sa eastern at northern Palawan, Zamboanga Peninsula at karagatan ng Visayas.

Marami rin umanong suplay ng bangus at tilapia mula naman sa mga fishpens at fishponds sa Bulacan, Pangasinan, Taal Lake sa Batangas at Laguna de Bay.

Sa 10 retail markets at isang wholesale market sa NCR, ang presyo ngayon ng fresh galunggong ay mula P180 hanggang P240 kada kilo habang ang presyo naman ng tilapia nanatili sa P120 hanggang P130 kada kilo at P180 naman ang kada kilong bangus.

Mas mababa ito kumpara sa presyo ng mga isda noong parehong panahon ng 2020 dahil ang presyo noon ng galunggong ay pumalo nang hanggang P300 kada kilo, bangus naman ay nasa P220 kada kilo habang ang tilapia ay P160 per kilo.