LAOAG CITY – Isang pambihirang tagumpay ang naitala ni Trixia Anne Arellano aka “Super Tikya” mula sa Western Visayas matapos nitong magwagi ng gintong medalya sa 200-meter dash ng Palarong Pambansa 2025 — at sa mismong araw ng kanyang kaarawan.
Itinuturing niyang isang Napakagandang regalo ito sa kanyang kaarawan matapos ang kanyang panalo.
Hindi lamang ginto ang nasungkit ng tinaguriang “Super Tikya,” kundi nabasag rin niya ang matagal nang rekord na 26.7 seconds na itinakda ni Maureen Schrijvers ng NCR noong 2008.
Naitala ni Arellano ang bagong record na 26.40 sekonds, dahilan upang mas lalong humanga ang mga manonood at tagasuporta.
Ayon kay Arellano, matindi ang pinagdaanang training bago ang Palaro, ngunit nagbunga ito ng maganda.
Inihayag niya ang kanyang pasasalamat sa Panginoon dahil pinagbigyan umano nito ang kanyang kahilingan
Bukod sa kanyang makasaysayang record, lalong hinangaan si Arellano nang mapag-alamang tumakbo siyang nakapaa— matapos mapunit ang ibabang bahagi ng kanyang sapatos bago magsimula ang karera dahil sa pagkakadapa.
Tanging medical tape lamang ang bumalot sa kanyang mga paa upang maiwasan na siya ay masugatan.
Aniya, hindi ito ang naging hadlang upang hindi makamit ang inaasam asam na pagkapanalo bagkos ginawa parin niya ang lahat ng kanyang makakaya.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na sumali si Arellano sa Palarong Pambansa — at agad siyang gumawa ng marka, hindi lamang bilang isang kampeon, kundi bilang inspirasyon sa maraming atleta sa buong bansa.