DAVAO CITY – Tinatayang aabot ng P4 million ang iniwang danyos ng sunog kagabi sa Public Market Building ng Compostela, Davao de Oro kagabi.
Bukod dito, lima ang nagtamo ng sugat habang 11 establisiyemento naman ang tuluyang natupok ng apoy.
Kinilala ang mga biktima, na ngayon ay ginagamot pa sa Compostela Valley Provincial Hospital, na sina Jenan Anter, 28; Albert Molaan, 21; Paul Quijano, 40; Ailyn Quijano, 25; at Lencio Gamutan, 61-anyos.
Inihayag nI Municipal Fire Marshal/Ground Commander, SFO4 Joseph P Crucio ng Compostela Municipal Fire Station na umabot pa sa ika-apat na alarma ang naturang sunog kung saan nag-umpisa alas-8:49 kagabi at ideneklarang fireout alas-9:92 ng gabi.
Nag-umpisa umano ang sunog sa 3J LPG store and Refilling station na pinagmamay-ari ni Hernanita Anter
Himala namang nakaligtas sa sunog ang isang empleyado ng 3J Gasul Refilling Station matapos na ma-trap sa sunog subalit nagtamo ng mga sugat at paso sa katawan.
Maliban sa naturang gasul refilling station, na-abo rin sa sunog ang walong iba pa na mga stall sa naturang lugar.
Sa ngayon patuloy pa ang imbestigasyon ng BFP kung ano ang naging dahilan ng naturang sunog.