Sumiklab ang isang malaking sunog sa Commonwealth Market sa Quezon City madaling araw ng Sabado, Abril 25, 2026, na mabilis na lumawak at umabot sa ikaapat na alarma sa loob lamang ng ilang minuto, ayon sa Quezon City Fire District.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), unang naireport ang sunog bandang alas-2:32 ng madaling araw bilang “out to first alarm,” ngunit mabilis itong lumala at itinaas sa first alarm pagsapit ng alas-2:34 ng madaling araw, at second alarm makalipas lamang ang dalawang minuto.
Umabot ito sa third alarm bandang 3:03 a.m. at tuluyang naging fourth alarm pagsapit ng 3:17 a.m., indikasyon ng malawakang sunog sa malaking commercial area sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Barangay Commonwealth.
Agad na rumesponde ang mga bombero mula sa BFP kasama ang iba’t ibang volunteer fire groups, kabilang ang Marikina Filipino-Chinese Fire Brigade, upang apulahin ang apoy.
Patuloy pa rin ang firefighting operations habang ginagawa ang balitang ito. Hindi pa idinedeklara ng mga awtoridad na kontrolado ang sunog.
Bukod dito wala pang inilalabas na impormasyon tungkol sa sanhi ng insidente, lawak ng pinsala, o posibleng mga nasaktan o nasawi.











