Patay ang isang sundalo matapos barilin ang sarili gamit ang kanyang service firearm, habang nasawi rin ang kanyang asawa matapos saksakin ng biyenan sa Purok Tilapia, Barangay 3, Bacolod City kahapon ng hapon.
Kinilala ang mga biktima na sina Erwin Pendon, 31 anyos at aktibong miyembro ng 11th Infantry Battalion ng Philippine Army, at ang kanyang asawa na si Leonora Pendon, 26 anyos.
Ayon kay Police Lieutenant Conan Gadayan, Station Commander ng Bacolod Police Station 2, dalawang magkahiwalay na insidente ang naganap.
Bago ang pamamaril, nagkaroon ng pagtatalo ang mag-asawa.
Batay sa imbestigasyon, kinuha ni Erwin ang kanyang Glock 17 pistol, nagpaputok muna sa pader, bago nito binaril ang sarili.
Nakita ng ama ng sundalo na si Edwin Pendon, 52 anyos, ang pangyayari at sinaksak naman nito ang asawa ng kanyang anak na si Leonora.
Wala namang tama ng bala ang babae.
Kapwa isinugod sa ospital ang mag-asawa ngunit binawian ng buhay.
Narekober ng mga imbestigador ang service firearm ng sundalo sa crime scene.
Kasalukuyang nakadetine si Edwin sa Bacolod Police Station 2 at mahaharap sa kasong homicide.










