-- Advertisements --

Ibinahagi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong araw ang camera footage ng pag-agos ng lava mula sa summit crater ng Bulkang Mayon na nagdulot ng collapse-fed pyroclastic density current (PDC) sa pagitan ng 6:31 AM hanggang 6:46 AM.

Ang bumagsak na volcanic materials ay binubuo ng mainit na abo, bato, at gas na mabilis bumababa mula sa bulkan at itinuturing na isa sa pinakamapanganib na epekto ng pagputok.

Nananatili sa Alert Level 3 ang bulkan, indikasyon ng magmatic unrest, at mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ).

Sa nakalipas na 24 oras, naitala ang 92 volcanic earthquakes, 299 rockfall signals, at patuloy na lava effusion sa Basud, Bonga, at Mi-isi gullies.

Bukod dito, umabot sa 5,842 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga ng bulkan noong Hulyo 12, habang naitala naman ang pinakamataas na antas ng sulfur dioxide emissions sa loob ng 26 taon noong Hulyo 11 na umabot sa 13,128 metric tons/day, halos kapantay ng antas bago ang eksplosibong pagsabog noong 2000.

Nagbabala ang PHIVOLCS na ang sobrang taas na sulfur dioxide emissions ay maaaring senyales ng nalalapit na mas eksplosibong yugto ng aktibidad ng Bulkang Mayon.

Pinapayuhan ang publiko na mahigpit na sumunod sa mga babala, umiwas sa PDZ, at maging handa sa posibleng panganib ng rockfalls, landslides, ballistic fragments, lava flows, pyroclastic density currents, at lahar lalo na kung may malakas na ulan.