-- Advertisements --

Nagtala ang Bulkang Mayon ng napakataas na pagbuga ng volcanic sulfur dioxide na umabot sa 8,393 tonelada kada araw.

Ito ang pinakamataas na antas ng gas na naiparamdam ng bulkan simula noong Hulyo 16, kasunod ng biglaang pag-umbok ng hilaga at silangang bahagi ng bulkan.

Dahil dito, nagbabala ang DOST-PHIVOLCS na ang pagtaas ng emisyon ay maaaring pahiwatig ng muling pag-init ng aktibidad na pwedeng magdulot ng pyroclastic density currents (PDC), rockfall, at pag-ulan ng abo.

Muling ipinaalala ng ahensya sa publiko na nananatili sa Alert Level 2 ang Bulkang Mayon kaya mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ).

Pinapayuhan din ang mga lokal na pamahalaan at residente na maging alerto sa banta ng lahar lalo na sa gitna ng mga nararanasang matitinding pag-ulan.