-- Advertisements --

Ipinagutos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatupad ng whole-of-government approach para sa paghahanda sa inaasahang pagpasok ng isang super typhoon ngayong linggo.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nakipag-ugnayan na ang Palasyo sa NDRRMC para tiyakin ang kahandaan ng pamahalaan.

Kabilang sa utos ng Pangulo ang pagsasagawa ng pre-disaster risk assessment scenario meetings sa mga apektadong rehiyon.

Ipinapasailalim na rin sa widest alert ang mga response clusters ng NDRRMC at RDRRMC.

Inatasan din ang mga lokal na pamahalaan na simulan na ang preemptive evacuation sa mga high-risk areas o mapanganib na lugar, at pinatitiyak din ng Punong Ehekutibo ang kaligtasan ng mga evacuation centers kasama ang paglalatag ng livestock equipment zones para sa mga hayop.

Inutusan din ang mga ahensya na mag-preposition ng rescue teams, relief goods at iba pang essential supplies, tukuyin ang mga alternatibong ruta, at magsagawa ng inspeksyon sa mga kritikal na imprastraktura.

Kasama rin sa direktiba ang pagpapatupad ng sea travel ban kung kinakailangan, gayundin ang agarang pagtulong sa mga vulnerable sector at pagbabantay sa mga sakit na maaaring idulot ng pagbaha.