Nilinaw ni Trial Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na nakabatay sa umiiral na batas ang 16 votes threshold para sa conviction sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at hindi pinagkasunduan ng mga senador.
Ayon kay Escudero, nakabase ang kaniyang naging pahayag sa probisyon ng Konstitusyon at sa desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Bayan v. Zamora, kung saan nilinaw dito na ang kinakailangang bilang ng mga senador ay nananatiling nakabatay sa buong komposisyon ng Senado kahit na may ilang miyembro nito ang hindi available dahil sa ilang kadahilanan.
Aniya, dapat na sundin pa rin ng impeachment court ang kinakailangang bilang salig sa Konstitusyon na two-thirds ng lahat ng miyembro ng Mataas na Kapulungan o katumbas ng 16 na boto mula sa 24 na senador para sa conviction.
Binanggit din ni Escudero ang desisyon ng Korte Suprema sangkot ang dating senador at dating Vice President Gloria Macapagal-Arroyo, kung saan kahit na 23 miyembro lang ng kapulungan ang present noon, nagpasya ang korte na ang kailangang bilang ng boto para sa conviction ay base sa 24 na komposisyon ng Senado.
Aminado naman si Escudero na may ilang hindi sang-ayon sa kaniyang interpretasyon sa batas, subalit iginiit niyang ang desisyon ng Kataas-taasang hukuman ay bahagi ng batas maliban na lamang kung ito ay baliktarin.
Paglilinaw pa ni Escudero na bagamat napag-usapan, hindi niya pinagpapaalam ang kaniyang mga pahayag o posisyon sa iba pang senator-judges.
















