-- Advertisements --

Nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong hapon ang Bagyong Bavi (2609) na dating tinatawag na Inday.

Matatagpuan ito sa layong 680 kilometro sa hilaga ng Itbayat, Batanes.

Taglay nito ang 140 kilometro kada oras na lakas ng hangin malapit sa sentro at bugso na umaabot sa 170 kilometro kada oras, habang kumikilos ito pa-hilagang kanluran sa bilis na 40 kilometro kada oras.

Bagama’t wala na sa loob ng PAR ang bagyo, patuloy namang nakaaapekto sa bansa ang Southwest Monsoon o Habagat.

Kabilang sa mga apektadong lugar ang Zambales, Bataan, at Occidental Mindoro, kung saan inaasahan ang mga pag-ulan at posibleng pagbaha o pagguho ng lupa sa mabababang lugar.

Patuloy na nagbabantay ang mga ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, lalo na sa mga baybayin at pantalan na maaaring maapektuhan ng masamang panahon.