-- Advertisements --

Gagawin ng militar ang lahat upang hindi na makapaghasik pa ng karahasan ang teroristang grupo gaya ng paglulunsad ng pabobomba.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay 6th Infantry Division Commander B/Gen. Cirilito Sobejana, kaniyang sinabi na kanilang sisikapin na hindi na mauulit ang nangyari sa Isulan, Sultan Kudarat, kung saan dalawa ang nasawi habang mahigit 30 ang sugatan.

Sinabi ni Sobejana na ang nasabing pagsabog ay malinaw na kagagawan ng terorista, bagamat nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon upang matukoy ang tunay na salarin.

Pinawi naman ni Sobejana ang pangamba ng publiko sa Mindanao na posibleng magkaroon pa ng mga serye ng pagsabog.

Una na kasing nagkaroon ng pagsabog sa siyudad ng Pagadian City at sumunod sa Isulan.

Giit nito na “very dynamic” ang kanilang security plan kaya anumang oras ay kaya nilang mag-adjust at tutukan ang mga lugar na kailangan ng dagdag na seguridad.

Sa ngayon ginagawa na rin militar ang lahat ng kanilang magagawa para bumalik sa normal ang pang-araw-araw na aktibidad ng mga sibilyan sa Isulan.

Aminado si Sobejana na bakas pa rin sa mga mukha ng mga residente roon ang takot sa kanilang seguridad kaya dinagdagan na ang puwersa ng militar sa Isulan.

Giit pa ng heneral, sa ngayon ay subject ng kanilang military operations ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na nasa Liguasan Marsh.