Tiniyak ng Sugar Regulatory Administration sa publiko na walang kakulangan sa suplay sa asukal at sinisikap nilang mapababa ang presyo ng mga bilihin.
Ayon kay SRA acting chief Pablo Luis Azcona, ang imported na sukal sa merkado ngayon ay may 116,000 tonelada at para sa mga lokal naman ay mayroong 1.7 million tonelada.
Ginawa niya ang pahayag matapos tawagan ang ahensya dahil sa mataas na presyo ng asukal sa kabila ng pagdating ng libu-libong metrikong tonelada ng imported na asukal.
Kung matatandaan, itinalaga si Azcona noong Abril bilang acting administrator at chief executive officer ng Sugar Regulatory Administration.
Kaugnay niyan, ang dating SRA administrator na si David John Thaddeus Alba ay bumaba sa kanyang puwesto noong Marso 24 dahil sa kanyang “lumalalang kalusugan,” ayon sa Malacañang.
Ang pagbibitiw naman ni Alba ay nagkabisa noong Abril 15.
Ang pagbibitiw ni Alba ay nangyari sa kasagsagan ng mga isyu tungkol sa kamakailang pag-angkat ng 440,000 metriko tonelada ng asukal, na diumano ay inilaan sa tatlong “handpicked” importer.