Maraming programa ng Commission on Higher Education (CHEd) ang apektado sa pagbawas sa kanilang pondong gugulungin para sa susunod na taon.
Sa budget presentation ng ahensya sa House appropriations committee nitong araw, sinabi ni CHEd Chair Prospero De Vera III na hindi nabigyan ng pondo para sa susunod na taon ang Tunong Dunong program.
Sa naturang programa, binibigyan ng P12,000 kada academic year ang mga qualified students bilang tulong sa kanilang gastusin sa paaralan.
Nabawasan din aniya ang P600 million ang pondo para sa scholarship grant ng mga gurong nasa ilalim ng K-12 transition program.
Maging ang bilang ng mga Tertiary Education System (TES) program ay mababawasan din matapos na matapyasan naman ng P7.1 billion ang pondo para sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Nabatid na ang TES beneficiaries na enrolled sa public universities ay nakakatanggap ng P40,000 kada taon na maari nilang gamitin sa kanilang pag-aaral.
Hindi rin nakaligtas sa budget cuts ang scholarship para sa mga medical students.