Magpupulong ngayong Huwebes, Disyembre 4, ang mga miyembro ng European Broadcasting Union (EBU) upang pag-usapan kung papayagang makilahok ang Israel sa Eurovision Song Contest 2026, sa gitna ng bantang pag-boycott ng ilang bansa dahil sa nangyayaring sigalot sa Gaza.
Nakatakdang ganapin ang pagpupulong sa Geneva, kung saan tatalakayin din ang bagong guidlines na naglalayong pigilan ang labis na promosyon ng mga entry ng mga gobyerno o third parties, matapos ang alegasyong hindi patas na na-boost ng Israel ang entry nito ngayong taon.
Katulad nang naging pwesto ng Israel sa huling kompetisyon.
Ayon sa Eurovision expert na si Paul Jordan, nasa “watershed moment” ang kompetisyon dahil nagbabantang umatras ang mga public broadcaster mula Slovenia, Ireland, Spain, at Netherlands kung hindi tatanggalin ang Israel.
Ipinunto ng mga kritiko ang mataas na bilang ng nasawi sa Gaza—mahigit 70,000, ayon sa local health authorities mula nang sumiklab ang digmaan matapos ang pag-atake ng Hamas noong Oktubre 7, 2023.
Kung hindi kumbinsido ang EBU members na sapat ang bagong rules para mapanatili ang neutrality ng contest, isasailalim sa botohan ang partisipasyon ng Israel.
Ayon sa isang industry source, posibleng umatras ang Germany at hindi i-broadcast ang event kung hindi papayagan ang Israel. Ayaw magkomento ng German broadcaster ARD, habang nais naman ng Austrian host broadcaster ORF na mag-compete ang Israel.
Samantala, naghahanda na ang Israeli public broadcaster KAN para sa susunod na kompetisyon at balak ilabas ang bagong proseso ng pagpili ng kanilang entry. Nakatakda rin nitong ihayag ang posisyon nito kaugnay ng posibleng disqualification.










