-- Advertisements --

Boluntaryong sumuko sa mga operating troops ng 6th Infantry Division ng Philippine Army ang isang sub-leader ng Dawlah Islamiyah terrorist na nakilalang si Khalid Kalaing alyas Khalid na siyang sub-leader ng Dawlah Islamiyah Maguid Terrorist Group.

Ayon kay Joint Task Force Central at 6th ID Commander MGen. Juvymax Uy na nagsanib pwersa ang 7th Infantry Battalion, 601st Infantry Brigade, at 603rd Infantry Brigade para tulungan at i-facilitate si Khalid na nais magbalik loob sa gobyerno.

Isinuko nito ang isang M635 rifle,isang M16A1 rifle, isang calibre .30 M1 carbine, isang M14 rifle, isang calibre .30 M1 garand rifle, at mga magazines at bala.

Sa ngayon nakikipag ugnayan na ang militar sa Local Government Unit para makapagbigay ng tulong sa sumukong terorista para sa kanyang pagbabagong buhay kasama ang kanyang pamilya.

Ayon kay Lt. Col. Romel Valencia, Commanding Officer of the 7th Infantry Battalion ang pagsuko ni Khalid ay bunsod sa walang tigil na opensiba ng militar at kooperasyon ng mga local officials at komunidad.

Nananawagan naman si MGen. Uy sa iba pang mga local terrorist groups na sumuko at magbalik loob sa gobyerno ng sa gayon balik na normal ang kanilang pamumuhay.

Sinabi ni Uy ang pagsuko ng DI sub-leader ay patunay na epektibo ang approach ng gobyerno sa pakikipagtungo sa mga terrorists group.