Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na sangkot sa tinatawag na “slot for sale” modus, sa gitna ng nationwide recruitment para sa mahigit dalawang libong bakanteng posisyon sa ahensya.
Kaugnay ito ng naumbok na kaso kung saan isang tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na may ranggong Senior Fire Officer 1 ang diumano’y nag-alok ng slot sa isang aplikante kapalit ng 300,000 piso.
Nasa kamay na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at kasalukuyang nakaditine ang suspek na nahaharap sa kasong robbery extortion.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, seryoso ang kanilang kampanya na linisin ang ahensya laban sa katiwalian at korapsyon, at sisiguraduhing mapapanagot ang sinumang mapatunayang sangkot.
Dagdag pa ni Remulla na iniimbestigahan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang nasa mahigit 200 tauhan, pati na ang ilang regional directors na hinihinalang sangkot sa naturang modus na umaabot sa 100,000 hanggang 800,000 piso ang singilan kada transaksiyon.
Isinusulong ng ahensya ang “e-hiring recruitment system na may layong sugpuin ang katiwalian at siguraduhing walang anumang human intervention sa mga paunang hakbang ng proseso.
Maliban dito, layunin din ng bagong sistema na mapabilis ang proseso para sa mga aplikante at makatulong na mabawasan ang kanilang gastusin sa pag-aaplay.
















