Nakahandang tulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga nagbebenta sa kalsada na lubha ring naapektuhan ng coronavirus pandemic.
Ito ay matapos mangako ng ahensya na mas patatatagin pa nito ang implementasyon ng Sustainable Livelihood Program (SLP) para alalayan ang mga mahihirap, vulnerable, at marginalized communities.
Sinabi ni DSWD Spokesperson Irene Dumlao na katuwang ng ahensya ang lokal na pamahalaan upang tumulong sa mga mahihirap na sektor ng lipunan at kasama na raw dito ang mga street o sidewalk vendors.
Ginawa ng opisyal ang pahayag sa kabila ng tumataas na bilang ng mga tindero at tindera na nagbebenta ng kanilang produkto sa kahabaan ng Maynila.
Ang SLP ay isang capacity-building program na tutulong sa mga benepisyaryo nito na makakuha ng kinakailangang assets para makapagsimula o ma-maintain ng mga ito ang kanilang kabuhayan. Gayundin ang pag-agapay sa socio-economic well-being ng mga tindero o tindera sa lansangan.
Sa ilalim ng SLP, bibigyan ng option ang mga benepisyaryo na pasukin ang micro-enterprise development track o employment facilitation track.
Paliwanag pa ni Dumlao na ang micro-enterprise development track ay mabibigay ng seed capital assistance sa mga recipients upang ipagpatuloy o palawigin pa ang kanilang negosyo.
Habang ang employment facilitation track naman ay layuning ihanda at tulungan ang mga Pilipino na magkaroon ng access sa maayos na employment opportunities.
Noong nakaraang taon ay umabot ng mahigit P1.4 billion ang naipamahagi ng livelihood support ng DSWD sa 7,778 pamilya.