-- Advertisements --

KALIBO, Aklan— Aabot sa isang libong pasahero ang stranded sa Caticlan at Cagban ports sa Malay, Aklan dahil sa nananatiling kanselado ang mga byahe ng RoRo vessels, motorbanca at ferries dulot ng bagyong Ursula.

Ayon kay Lt. Commander Marlowe Acevedo ng Philippine Coast Guard (PCG)-Aklan, halos mapuno na ang Jetty Port Caticlan ng mga pasahero na papunta sana ng Bulalacao, Oriental Mindoro; Romblon; Roxas, Mindoro; Batangas Port gayundin ang patawid sa isla ng Boracay.

Inabisuhan na lamang ang mga ito na bumalik sa bayan ng Kalibo o humanap ng mga pension house na pansamantalang matuluyan dahil hindi na makakalayag pa ang mga sakayang pandagat dulot ng epekto ng masungit na panahon.

Samantala, hinikayat naman ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC)-Aklan ang lahat ng mga residente lalo na ang mga nakatira sa mga low lying areas na maging alerto at huwag mag-atubiling lumikas kung kakailanganin.