Itinaas na ng state weather bureau ang storm surge warning sa ilang baybayin sa Luzon at Visayas dahil sa bagyong Ramil.
Ayon kay state meteorologist Bennison Estareja, nagbabanta ang isa hanggang dalawang metro (1-2m) na taas ng daluyong sa mga baybayin sa eastern seaboard.
Kinabibilangan ito ng probinsya ng Albay, Aurora, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Eastern Samar, Isabela, Northern Samar, Quezon, Western Samar, at Sorsogon.
Paalala ni Estareja sa publiko, iwasan muna ang pagtungo sa mga baybaying saklaw ng mga naturang probinsya.
Maaari ring umabot sa coastal communities ang mga matataas na daluyong, kaya’t pinapayuhan ang mga lokal na pamahalaan na bantayan ang sitwasyon sa mga ito at magsagawa ng pre-emptive evacuation kung kinakailangan.
Pinayuhan din ni Estareja ang mga mangingisda at mga manlalayag na huwag na munang pumalaot habang nagbabanta ang naturang bagyo.