-- Advertisements --

NAGA CITY – Kasalukuyan nang nakakaranas ng pagbaha ang ilang bayan sa Camarines Sur dala ng Super Typhoon Rolly.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Councilor Levi Sta. Ana ng Calabanga, Camarines Sur, sinabi nito na sa ngayon ay abot hanggang baywang na ang tubig baha sa kanilang lalawigan dahil sa daluyong o storm surge.

Ayon kay Sta. Ana, hindi naman mararanasan ang pagtaas pa ng nasabing pagbaha dahil dadaan lang naman ito sa lugar at unti-unti nang huhupa.

Nabatid na nauna nang nailikas nasa evacuation center ang mga residente bago pa man dumating ang naturang bagyo.

Kung maaalala aniya, huling naranasan ang ganitong lakas ng bagyo noong nanalasa ang Bagyong Rosing taong 1995.

Samantala, nadagdag pa ng bilang ng mga evacuee sa bayan ng Bato, Camarines Sur, dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig sa Lake Bato.

Ayon naman kay Vice Mayor Jhun-JHun Zorilla ng nasabing bayan, may ilang mga residente sa kanilang lugar ang hindi na umalis sa evacuation center na noong nakaraang linggo pa naroon dahil sa dumaang Bagyong Quinta.

Sa ngayon, panawagan na lamang ng mga ito na sundin ang mga ipinatutupad ng mga lokal na pamahalaan kaugnay sa Bagyong Rolly at maging sa banta pa rin ng coronavirus disease sa probinsya.