-- Advertisements --

Hindi pabor ang karamihan sa mga kongresista na magkaroon nang pagbabago sa liderato ng Kamara lalo pa ngayong panahon ng COVID-19 pandemic, ayon kay Deputy Speaker Lray Villafuerte.

Sa isang panayam, sinabi ni Villafuerte na karamihan sa mga kapwa niya kongresista ay nais na panatilihin ang status quo sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Nangangamba kasi aniya sila na maantala ang deliberasyon ng Kamara sa P4.5-trillion proposed 2021 national budget.

Nauna nang kinumpirma ni Deputy Speaker Paolo Duterte na siya ay nagpadala ng mensahe sa ilang mga mambabatas para hilingin sa Mindao bloc na ipabakante ang posisyon ng speaker at deputy speaker matapos na makatanggap ng reklamo hinggil sa hindi pantay na infrastructure funds share sa ilalim ng panukalang pambansang pondo.

Pero nilinaw ni Duterte na ang mensaheng kanyang ipinadala ay bunga nang pagkadismaya sa girian ng mga kapwa niya kongresista sa alokasyon sa mga distrito para sa susunod na taon.

Sa kabila nito, sinabi ni Villafuerte na mismong si House Committee on Appropriations chairman Eric Go Yap, na malapit na kaibigan ni Duterte, ang nagsabi na 99 percent siyang sigurado na walang pagbabago sa liderato ng Kamara na mangyayari.

Mababtid na base sa term-sharing agreement na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte, si Cayetano ay dapat na bababa na sa pagiging Speaker ng Kamara sa darating na Oktubre para palitan naman ni Marinduque Rep. Lord Alan Velasco hanggang sa 2022.