Inihayag ng State Weather Bureau na may dalawa hanggang apat na bagyo pa ang inaasahang mararanasan ng bansa hanggang Disyembre ng kasalukuyang taon.
Sa isang panayam sinabi ni Ms Ana Lisa Solis, chief ng weather services ng PAGASA na nangangahulugan ito na may bahagi pa rin ng bansa ang makararanas ng maraming pag ulan kahit pa aniya may potensiyal ng magsimula ang dry spell o tagtuyot.
Sinabi ni Solis na karamihan sa mga bagyong ito ay makapaminsala o isang malalakas na tropical cyclone.
Samantala, dagdag pa ni Solis na posibleng sa mga susunod na araw ay opisyal nang ideklara ng PAGASA na pasok na talaga ang panahon ng amihan.
Sa ngayon kasi ay nasa transition pa lamang mula southeast monsoon o habagat season patungong northeast monsoon o amihan season.
Kapag ganap nang umiral ang panahon ng amihan, unti unti nang mararanasan ang lumalamig na temperatura.
Makararanas din aniya ng biglaang paglamig ng temperatura sa silangang bahagi ng bansa.
Hindi pa rin aniya maiaalis ang mga pabugsong ulan dulot ng amihan season kahit pa may El Nino.