Idineklara na ang state of emergency sa New South Wales, Australia dahil pa rin sa nagpapatuloy na pagka-sunog ng kagubatan sa nasabing lugar.
Sisimulan na rin ngayong linggo ang forced evacuations sa mga apektadong lugar kasabay nang paghahanda ng mga otoridad sa mas mapanganib pang rescue na kanilang gagawin.
Sinabi ni State Premier Gladys Berejiklian na ang emergency declaration ay kaagad na ipatutupad sa Biyernes kasabay ng mas mainit na temperatura at malakas na ihip ng hangin sa siyudad na magiging dahilan upang mas lumala pa ang sunog.
Ito na ang ikatlong beses na nagdeklara ng state of emergency sa New South Wales.
Dagdag pa ni Berejiklian, gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang siguraduhin ang kaligtasan ng bawat mamamayan.
Umabot na sa 18 katao ang namatay dahil sa nasabing wildfire na nagsimula noong Setyembre habang nasa 1,200 kabahayan naman ang napinsala nito.
Nasa 17 katao naman ang naiulat na patuloy pa ring nawawala hanggang ngayon.