Pahihintulutan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang standing passengers sa loob ng mga public utility vehicles sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1.
Batay sa inilabas ng kagawaran na Memorandum Circular No. 2022-070, papayagan na ang tayuan sa mga pasahero sa loob ng mga public utility bus (PUBs) at modern public utility jeepney (MPUJs) Class 2.
Ngunit napapailalim pa rin ang mga ito sa mga sumusunod na kondisyon:
Para sa mga Low Entry/Low Floor PUBs, nasa 15 pasahero lamang ang papayagang nakatayo nang may at least isang tao na pagitan.
Para naman sa Coach-type PUBs, sampung pasahero lamang ang maximum na papayagang nakatayo nang may at least isang tao pa rin na pagitan bawat pasahero.
Habang sa mga MPUJ-Class 2 naman ay tanging limang standing passengers lamang ang papayagan nang may at least one person apart.
Paliwanag ng LTFRB, ang hakbang na ito ay alinsunod pa rin sa utos ng Department of Transportation (DOTr) na maglabas ng patakaran hinggil sa paggamit sa mga PUVs nang hindi lumalabag sa anumang public health safety protocols.
Kasabay nito ay nagbabala rin ang kagawaran na ang sinumang hindi sumunod sa naturang kautusan ay papatawan ng kaukulang penalty at kaparusahan sa ilalim ng probisyon ng Joint Administrative Order No. 2014-01.