Target ngayon ng Land Transportation Office (LTO) na magpatupad ng standardization sa lahat ng singil ng mga driving school sa bansa.
Ito ang inihayag ni LTO chief Jose Arturo Tugade kasunod ng ilang reklamong natatanggap ng ahensya dahil sa malaking halaga ng perang kinakailangan umanong ilabas ng isang indibidwal para makakuha ng driver’s license nang dahil sa mahal na singil ng mga driving school.
Aniya, dahil dito ay bumuo na ang kagawaran ng isang komite na tututok sa pag-aaral sa ahensya pahinggil sa umiiral na rules and regulations ng accreditation ng mga driving schools.
Isa sa mga pag-aaralan ng mga ito ay ang mataas na rates na sinisingil ng mga driving schools na isa sa mga pangunaging reklamong natatanggap ng LTO.
Paliwanag ng isang representative ng isang driving school, ang mahal na singil daw kasi ng mga ito ay ginagamit para sa gasolina, maintenance at insurance ng sasakyang ginagamit, at pasweldo sa mga driving instructor.
Samantala, kaugnay nito ay iniulat din ni Tugade na mayroong ibinibigay na free theoretical driving course ngunit nilinaw niya na mayroon itong limitadong slots.
Aabot sa P100 ang singil sa mga student permit application, habang nagkakahalaga naman sa P150 ang singil para sa student permit, P100 naman para sa non-professionap license application, at P585 naman ang magiging singil para sa driver’s license.
Muli namang nagpaalala ang kagawaran na kinakailangan munang sumailalim sa theoretical and practical driving courses ang mga aplikanteng nais kumuha ng driver’s license.