-- Advertisements --

Pinapaimbestigahan sa Kamara ang standards ng PNP sa pag-evaluate sa tactical knowledge at mental fitness ng lahat nang mga pulis.

Naghain ng resolusyon si Marikina Rep. Stella Quimbo para rito kasunod nang pagkakapaslang ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-ina na Paniqui, Tarlac noong Disyembre 20, 2020 na sina Sonya Rufino Gregorio at Frank Anthony Rufino Gregorio. 

Ipinapakita lamang aniya ng insidenteng ito na mayroong problema hindi lamang sa paghahanda kundi maging sa screening process sa mga pulis.

Iginiit ni Quimbo na kailangan nang kumilos ng Kongreso sa pagtukoy hinggil sa kung anong reporma ang kailangan ipatupad upang matiyal na nasa maayos na pangangatawan at pag-iisip ang lahat ng PNP personnel.

Mahalaga rin aniyang masilip ng Kongreso kung panahon na bang ipagbawal sa mga pulis na magbitbit ng kanilang service firearm kapag hindi naka-duty, katulad nang ipinapatupad sa ibang mga bansa.

“Kailangang ang presensya ng isang pulis ay nagbibigay ng kapanatagan, hindi pangamba,” ani Quimbo.

“We cannot afford to lose more lives because of impunity in the system, or the policies which lend to unpreparedness or abuse by law enforcement officials, including the use of firearms while off duty,” dagdag pa nito.