-- Advertisements --

Tiniyak ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na ilalabas niya sa pamamagitan ng privilege speech ang resulta ng Blue Ribbon Committee hearings sa umano’y flood control anomaly, matapos maantala ang pag-apruba ng partial report dahil kulang ang pirma ng ilang senador.

Ayon kay Lacson, nakatakda niyang ihain ang “chairman’s progress report” sa susunod na Lunes o Martes upang maipaliwanag sa publiko ang naging takbo ng 7–8 pagdinig ng komite. Giit niya, tungkulin ng Senado na maging malinaw sa mamamayan sa gitna ng mga kumakalat na maling impormasyon.

Sinabi rin ng senador na hindi makatarungan ang pagharang sa pag-usad ng ulat sa pamamagitan ng hindi pagpirma ng ilang miyembro ng komite. Para sa kanya, dapat ay malinaw ang posisyon ng bawat senador, maaaring pumirma na may reservations o dissenting opinion, pero hindi dapat humaharang sa proseso.

Dagdag pa niya, ipapasa rin niya ang mga dokumento at ebidensya sa Department of Justice at Office of the Ombudsman para sa kanilang sariling imbestigasyon, habang magpapatuloy ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee.

Sa kabila nito, iginiit ni Lacson na magpapatuloy ang imbestigasyon at posibleng muling ipatawag ang mga personalidad na umano’y sangkot, kabilang ang ilang dating opisyal ng gobyerno. Aniya, mahalagang harapin ng mga ito ang mga paratang upang mabigyan ng pagkakataong makapagpaliwanag sa Senado. (report by Bombo Jai)