-- Advertisements --

Inihayag ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na walang beripikadong impormasyon na nagpapakita ng seryoso at malapit na banta ng kudeta o pag-aaklas na suportado ng militar laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Subalit pananatilihin umano ng pambansang pulisya ang mataas na antas ng alerto .

Aniya, walang nakitang basehan para maalarma ang publiko sa umano’y tangkang pagpapatalsik sa Pangulo.

Bunsod ng kawalan ng konkretong ebindensiya, trinatrato ng PNP ang umano’y mga banta bilang “rumors” o tsismis.

Ginawa ng PNP Chief ang pahayag matapos sabihin ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na may ilang retiradong military officers ang nagtatangkang mag-recruit umano ng mga miyembro ng uniformed service.

Sa kabila nito, nanindigan si Gen. Nartatez na ang kanilang katapatan ay sa Konstitusyon at sa mamamayang Pilipino, hindi sa anumang political faction. Mananatili rin aniya silang propesyunal at nakapokus sa kanilang mandato sa pagsawata ng krimen.

Dagdag pa ng heneral na kapwa nananatiling committed ang pulisya at militar sa chain of command at sa katatagan ng administrasyon.