-- Advertisements --

Hindi na lang Philippine General Hospital (PGH) ang nagsasagawa ng convalescent plasma therapy sa mga pasyente ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa, dahil pati ang St. Lukes Medical Center ay nagsimula na rin dito.

“Ayon po sa St. Luke’s Medical Center, kinakitaan nila ng patuloy na pagbuti ng kondisyon ang mga pasyenteng sumailalim sa Convalescent Plasma Therapy,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

“Dagdag pa ho ng pamunuan ng ospital, handa sila na ibigay ang serbisyong ito sa ibang ospital para matulungan po sila para maisagawa ang convalescent procedure.”

Kaugnay nito, nananawagan na rin daw ang Lung Center of the Philippines sa recovered patients na makibahagi sa kanilang transfusion program.

“Sa mga interesado po, maaaring tawagan si Dr. Gerard Tejada sa 09171228808, uulitin ko po, para po sa Lung Center of the Philippines, maaari po kayong tumawag kay Dr. Gerard Tejada sa 09171228808.”

Bagamat nakakita ng magandang epekto ang mga doktor sa mga pasyenteng ginamitan nito, ay nilinaw ng DOH na isang uri pa rin ng experimental treatment ang plasma therapy o pagsasalin ng anti-bodies ng isang recovered patient sa dugo ng isang positive patient.

Ibig sabihin, wala pa ring katiyakan ang epekto nito sa katawan ng tao.