-- Advertisements --

Hindi na rin daw muna tatanggap ng walk-in patients para sa COVID-19 testing ang St. Luke’s Medical Center sa Quezon City at Bonifacio Global City, Taguig.

Sa isang statement sinabi ng hospital system na epektibo simula bukas ang naturang advisory. Pinaabot din ng ospital ang anunsyong ito sa mga asymptomatic o walang nararamdamang indibidwal na gustong magpasailalim sa confirmatory na RT-PCR test.

“This is to ensure that we efficiently manage the flow of patients who need to undergo the test and maintain the safety of our healthcare workers in both hospitals.”

Hinimok ng ospital ang publiko na magpa-book na lang ng slot para sa testing sa pamamagitan ng kanilang product information center.

Kamakailan nang mag-anunsyo ang St. Luke’s na full capacity na ang kanilang mga kama na inilaan para sa COVID-19 patients. Pati na ang emergency rooms ng dalawang ospital ay puno na rin daw.