Ipapatupad na ng Department of Agriculture (DA) simula sa araw ng Lunes ang P150 kada kilo na suggested retail price para sa pulang sibuyas at P140 kada kilo para sa puting sibuyas para matugunan ang mataas na presyo ng nasabing mga produkto.
Ang naturang desisyon ay napagkasunduan kasunod ng pagpupulong ng mga opisyal ng DA kasama ang mga stakeholders.
Ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) executive director Jayson Cainglet sa naturang pagpupulong ang presyo ng pulang sibuyas sa cold storage ay nasa P110 hanggang P115 kada kilo habang ang puting sibuyas naman ay nasa P100 kada kilo upang hindi lumagpas ang SRP para sa pulang sibuyas sa P150 kada kilo gayundin sa puting sibuyas ay hindi lalagpas sa P140 kada kilo.
Sa isinagawa ding konsultasyon, ang operators ng cold storage, brokers, traders, retailers at mga magsasaka ay kapwa inihayag na mayroong sapat na imbentaryo ng suplay ng sibuyas dahil nananatiling puno ang mga warehouse.
Kayat kailangan na mapababa ang presyo ng sibuyas sa susunod na linggo para hindi na kailangang mag-angkat pa.
Bagamat nasa Bureau of Plant Industry na ang pagpapasya para sa pagproseso ng posibleng importasyon ng 8,000 metrikong tonelada ng puting sibuyas na napagkasunduan sa pagdinig sa Kongreso.
Base sa monitoring ng DA kahapon, ang sibuyas ay ibenibenta sa halagang P200 kada kilo sa may Guadalupe Market sa Makati city, Marikina Public Market at sa Mega Q-Mart sa Quezon city.