-- Advertisements --

Walang plano ang Department of Agricuture (DA) na magpataw ng suggested retail price (SRP) sa sibuyas sa kabila pa ng pagsipa sa retail price sa P220 kada kilo sa merkado.

Paliwanag ni DA-Bureau of Plant Industry Dir. Glen Panganiban, noong Disyembre ng nakalipas na taon, nagpatupad ang ahensiya ng P250 kada kilo na SRP subalit pumalo pa rin ang presyo ng mga sibuyas sa P720 kada kilo sa gitna ng kakulangan ng suplay.

Subalit tiniyak naman ng opisyal na sa ngayon walang kakulangan sa suplay ng sibuyas.

Dagdag pa ni Panganiban na nakatakdang dumating sa Disyembre ang 21,000 metrikong tonelada ng imported na sibuyas kung saan 17,000 MT dito ay pulang sibuyas at 4,000 MT naman ay puting sibuyas.

Kinumpirma ng opisyal na tumaas ng P30 ang kada kilo ng pulang sibuyas kung saan base sa monitoring ng DA ang retail price ng lokal na pulang sibuyas ay pumalo sa P220 kada kilo habang ang lokal at inangkat na puting sibuyas naman ay ibinibenta sa P160 kada kilo.

Subalit iginiit nito na dapat ang retail price ng sibuyas ay dapat na nasa pagitan lamang ng P140 at P160 kada kilo.