MANILA – Bago matapos ang Marso, posibleng magawaran na rin ng emergency use authorization (EUA) sa Pilipinas ang bakunang Sputnik V na gawa ng Russia.
Ito ang sinabi ng vaccine czar na si Carlito Galvez sa gitna ng mga inaasahan pang shipment ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) vaccines ngayong taon.
“Ongoing na, nasa advanced stage na sa ating FDA (Food and Drug Administration) clearance,” ani Galvez sa isang press conference sa Sta. Rosa, Laguna.
Ayon sa kalihim, magkatuwang sila ng developer na Gamaleya Research Institute at Russian Direct Investment Fund, sa paglalakad ng mga negosasyon sa FDA.
Noong Enero nang maghain ng EUA application ang Gamaleya sa regulatory authority ng Pilipinas.
Kung maaalala, inanunsyo ng Russia noong nakaraang taon na 92% effective ang kanilang bakuna matapos pag-aralan sa Phase III clinical trials.
Ayon kay Galvez, nanawagan na rin ang pamahalaan sa mga kompayang Johnson & Johnson, Moderna, at Novavax, para mag-apply na rin ng EUA sa bansa.
Kamakailan nang gawaran na ng emergency use ng US FDA ang single-dose vaccine ng Janssen Pharmaceuticals, na nasa ilalim ng Johnson & Johnson.
Sinabi rin ng Department of Science and Technology na nag-umpisa na ang Phase III trials ng nasabing kompanya sa Pilipinas.
Sa ngayon, kasama ng Gamaleya na nakabinbin ang aplikasyon para sa EUA ay ang Bharat Biotech (Indonesia), at Sinopharm (China).