Kumpiyansa si two-time world champion Errol Spence Jr. na matutuloy pa rin ang inaabangang sagupaan nila ng kanyang karibal na si welterweight king Terence Crawford.

Ayon kay Spence, posibleng mangyari ang face off nila ni Crawford sa huling bahagi ng kasalukuyang taon, o kung hindi man ay sa 2021 na.

“[That fight can happen] whenever, this year or next. We are going to fight. If we do not fight this year, it will definitely be next year,” wika ni Spence.

Matatandaang huling sumabak sa isang boxing match ang 30-anyos na si Spence noong Setyembre ng nakalipas na taon nang talunin nito ang kababayang si Shawn Porter, at pinag-isa ang World Boxing Council (WBC) at ang International Boxing Federation (IBF) welterweight titles.

Kalaunan ay nasangkot si Spence sa isang car accident, at inabot ng ilang buwan bago ito makapagpagaling.

Dahil naman sa patuloy na pagkalat ng coronavirus disease, posible pang maurong ang kanyang comeback sa ring, lalo pa’t kanselado na rin ang lahat ng mga boxing events mula Marso hanggang unang bahagi ng Mayo.

Si Crawford, na kasalukuyang world champion ng World Boxing Organization, ay huli namang lumaban noong Disyembre.