BUTUAN CITY – Bubuo ang Police Regional Office (PRO) 13 ng Special Investigation Task Group (SITG) na syang tututok sa imbestigasyon sa pananambang sa mga empleyado ng Land Transportation Office (LTO) Surigao City kahapon ng umaga.
Patay sa nasabing insidente na naganap sa Sitio Dacuman, Brgy. Ipil, Surigao City ang LTO checkpoint team leader na si Felixberto Loayon habang nakalabas na ng ospital ang kanyang mga kasamahang sina Rene Sinangute at Frede Freddiewabina .
Ayon kay Police Lt. Col. Christian Rafols, tagapagsalita ng PRO-13, ini-utos ni Caraga Police Regional Director Gilberto DC Cruz ang pagbuo ng SITG upang kaagad na malutas ang krimen at mabigyan ng hustisya ang biktima at ang kanyang pamilya.
Dagdag pa ni Rafols, narekober sa crime scene ang mga basiyo ng M16 armalite rifle na tanging ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) lamang umano ang may hawak nito.
Naka-heightened alert rin ngayon ang pulisya ng Surigao City dahil tatlong oras matapos ang insidente ay may binaril-patay na naman sa naturang lugar kungsaan nakilala ang biktimang si Rempel Joe Marales Senados, residente ng Brgy. Cagtinae, Malimono, Surigao Del Norte.